Mahigit isang libong residente na naninirahan sa Barangay Nalasin at Sitio Lipay sa bulubunduking bayan ng Solsona sa Ilocos Norte ang halos isang linggo nang isolated dahil sa patuloy na pag-ulan dala ng habagat na pinalakas ng Bagyong Hanna na patuloy na nakakaapekto sa maraming bahagi ng probinsya nitong Linggo, Ika-3 ng Setyembre 2023.
Ayon kay Joseph de Lara, Solsona Mayor, na ang daan patungo sa Nalasin at ilang pilapil ay nauna nang nasira ng nakaraang Bagyong Goring, kaya nahihirapan ang mga residente na tumawid sa rumaragasang tubig-baha na hanggang ngayon ay hindi pa humuhupa.
Upang tulungan ang mga apektadong residente, ang lokal na pamahalaan, sa tulong ng iba’t ibang yunit ng Philippine National Police, 4th Marine Brigade, at Bureau of Fire Protection ay naghatid ng mga food packs, tubig at iba pang mahahalagang bagay sa mga nakaisolate na nayon.
Dagdag ni De Lara, patuloy na ipapaabot ang lahat ng uri ng tulong sa mga apektadong nasasakupan upang matulungan silang makayanan ang masamang epekto ng mga sakuna.