Mahigit 1,000 Katutubong Pilipino mula sa Ilocos Region ang nagtungo sa Municipal Covered Court ng San Emilio, Ilocos Sur para sa 2024 Regional IP Summit, na tinatawag ding “AWENG 2024” nito lamang Biyernes, ika-11 ng Oktubre 2024.
Ang AWENG ay nangangahulugang Affirming the Indigenous Way of Life, Echoing to the New Generation, isang selebrasyong nagpapakita ng kultura at kasaysayan ng mga katutubo sa rehiyon.
Ang summit ay pinangunahan ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) Region 1, at dinaluhan nina NCIP Executive Director Ed Mervyn Espadero at NCIP Commissioner Gary Cayat, na Ethnographic Commissioner para sa Region 1 at Cordillera Administrative Region.
Dumalo rin sa pagtitipon ang mga IP Mandatory Representatives (IPMRs), mga konseho ng matatanda, mga tagapagdala ng kultura, kabataang katutubo, mga organisasyon ng mga katutubo, mga katuwang na ahensya, mga opisyal ng Local Government Unit (LGU), at iba pang mga opisyal mula sa mga lalawigan ng La Union, Pangasinan, Ilocos Norte, at Ilocos Sur.
Ang taunang pagdiriwang na ito ay isang mahalagang pagkakataon upang ipakita ang mga tradisyon ng bawat Indigenous Cultural Community (ICC) sa rehiyon, na nagbibigay halaga sa kanilang kasaysayan at kulturang nagbibigay-buhay sa kanilang pagkakakilanlan bilang mga katutubo.
Ang “AWENG 2024” ay hindi lamang isang selebrasyon ng mga tradisyon at kultura, kundi pati na rin isang plataporma para ipasa ang mga mahahalagang aral at karunungan sa susunod na henerasyon ng mga katutubo.
Source: PIA Ilocos Sur