Nagsagawa ng Lighting Ceremony at Opening ng Christmas Banchetto sa Cagayan Sports Complex, Tuguegarao City kahapon, ika-5 ng Disyembre 2022.
Pinangunahan ng unang ginang ng lalawigan na si Atty. Mabel Villarica-Mamba, Provincial Administrator Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor, mga opisyal ng lalawigan, department heads, consultants, Cagayan employee ng PGC, local entrepreneurs at exhibitors, mga bisita, media, at ang host ng opening program partikular ang tanggapan ng Provincial Tourism Office, Cagayan Museum, at Cagayan Provincial Jail.
Sinimulan ang selebrasyon sa isang misa at kasunod nito ang opening program na nagsimula sa fire dance na nagbigay aliw sa lahat ng dumalo. Isang verso, isang Ibanag na tradisyon, naman ang inalay ni George Andal.
Nagbigay naman ng mensahe si Atty. Villarica-Mamba at ito’y kanyang idinaan sa isang tula, binigyang-diin nito ang tunay na kahulugan ng Paskong Cagayano. Aniya, sa mga sinambit na taludtod, sari-sari man ang wika, iba-iba mang bayan ang pinanggalingan ay iisa ang damdamin ng mga Cagayano.
Samantala, sabay-sabay namang pinailawan ang makukulay at naggagandahang Christmas lights at decorations sa Mamba Gym, Coliseum, at Children’s Park sa Cagayan Sports Complex.
Ngunit bago ito ay ang countdown at opisyal na pagbubukas ng Christmas Banchetto sa isang symbolic lechon-cutting sa pangunguna nina Atty. Villarica-Mamba, PA Mamba-Villaflor, 3rd District Board Member Rodrigo de Asis, at 1st District Board Member Atty. Romeo Garcia.
Nagtanghal din ang Tala Ibanag Dance Troupe mula sa Bagay Integrated School, Tuguegarao Northwest High School at Cagayan State University.
Nagtapos ang opening program sa isang makulay na fireworks display. Samantala, bilang bahagi ng entertainment sa unang gabi ng kasiyahan, itinampok ng Provincial Tourism Office, Cagayan Museum and Historical Research Center, at Cagayan Provincial Jail bilang host departments sa unang gabi, ang Cagayano Talent Jam kung saan naging bida ang mga Cagayano students.
Nagpakita ng galing sa opening salvo ang CNHS Junior High SPA Sibol Mananayaw at ang CNHS Senior High Pagayaya Dancers. Nagpakita naman ng kanilang talento ang Galaw Indak Agila and Campus Ministry ng Medical Colleges of Northern Philippines, Saint Paul University of the Philippines, University of Saint Louis Tuguegarao, Alay Dance Troupe Ng University of Cagayan Valley, Emfire, Sunset Sessions, Cagayan Provincial Jail Dancers, at Cagayan Tourism Office Singers.
May 265 exhibitors ang Christmas Banchetto na kinabibilangan ng food stalls, furniture, children’s toys, dry goods, clothing, at iba pa. Gabi-gabi ay magtatampok ang cluster departments ng Pamahalaang Panlalawigan, maging ang ibang ahensya ng gobyerno ng entertainment at pakulo.
Bukas din ang Kapitolyo sa publiko para sa viewing ng Christmas lights.
Source: Cagayan Provincial Information Office