Nakiisa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa Pugay Pakikiramay para sa limang bayaning Bulacan Rescuers na nagbuwis ng buhay sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Karding sa bansa sa pamamagitan ng isang programa na naganap nitong Setyembre 30, 2022 sa Tuguegarao City, Cagayan.
Dakong alas-singko ng hapon ay sabay-sabay na nagpatunog ng mga serena at nagbigay ng water salute ang iba’t ibang istasyon ng Task Force Lingkod Cagayan-Quick Response Team (TFLC-QRT) at Cagayan PDRRMO.
Kinilala sa nasabing aktibidad ang kabayanihan at kagitingan nina George Agustin, Narciso Calayag Jr., Troy Justin Agustin, Jerson Resurreccion at Marby Bartolome sa kanilang taos pusong pagbibigay serbisyo sa bayan upang makatulong sa kasagsagan ng bagyo.
Taos pusong nakiramay ang pinaabot ng buong Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa mga iniwang pamilya ng mga magigiting na bayani.
Source: Cagayan PIO