Patuloy ang La Union sa pagsusumikap na magkaroon ng zero-waste na kapaligiran sa pamamagitan ng mga programang tulad ng Palit Basura, kung saan nakalikom ng mahigit 8,600 kilo ng basura at nakatanggap ng 10,997 lata ng de-latang pagkain bilang kapalit.
Ang programang ito ay ipinatutupad ng pamahalaang panlalawigan kasabay ng Project Hope at Century Tuna’s Save Our Seas Project.
Kasabay nito, ipinatupad ang 2023 Plastic Code na nagbabawal ng single-use plastics at Styrofoam sa lahat ng negosyo sa buong lalawigan.
Ayon kay Gobernadora Raphaelle Veronica David, patuloy nilang pinapalakas ang kampanya para hikayatin ang mga residente na gumamit ng mga alternatibong materyales.
Naglagay din ang Environment and Natural Resources Office (ENRO) ng malalaking basurahan sa mga sikat na destinasyong panturismo sa La Union upang mapanatili ang kalinisan sa mga lugar tulad ng Urbiztondo at Agoo Eco Park.
Ngayong Zero Waste Month, muling pinaalalahanan ni Gobernadora David ang mga taga-La Union na magtulungan upang mapanatili ang kalikasan at kagandahan ng kanilang lalawigan para sa mga susunod na henerasyon.