Ipinahayag ni Ginoong Sang Seung Man, Konsul Heneral ng Embahada ng Korea, ang kanyang mataas na pagkilala at papuri sa mga tauhan ng Baguio City Police Office para sa patuloy nitong pagsusumikap na mapanatili ang kaligtasan ng mga mamamayan, partikular na ng komunidad ng mga Koreano, sa Lungsod ng Baguio.
Sa kanyang naging pahayag, sinabi ni Konsul Heneral Sang Seung Man: “I feel safe and comfortable whenever I’m in Baguio.”, ang mensaheng ito ay isang malinaw na patunay ng tiwala ng Embahada ng Korea sa kakayahan at dedikasyon ng Baguio City PNP sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lungsod.
Kasama si Bise Konsul Ginoong Kwon Mihnyuk, ipinahayag ng mga opisyal mula sa embahada ang kanilang pasasalamat sa Baguio City Police Station sa pangunguna ni Police Colonel Ruel D Tagel, City Director, para sa maayos at epektibong serbisyo nito sa publiko.
Bilang tugon, tiniyak ni Police Colonel Tagel na patuloy na magiging masigasig at maagap ang kapulisan ng Baguio sa pagbibigay ng seguridad, hindi lamang sa lokal na mamamayan kundi maging sa mga dayuhang naninirahan at bumibisita sa lungsod.
Ang Baguio City PNP ay nananatiling nakatuon sa layuning mapanatili ang katahimikan at seguridad ng lungsod sa pamamagitan ng mas pinahusay na police visibility, community engagement, at pagtutok sa mga programang pangkapayapaan.
Ang patuloy na pakikipagtulungan sa mga lokal at internasyonal na stakeholders ay patunay ng mas pinatibay na ugnayan at pagtutulungan sa pagitan ng kapulisan at mga dayuhang komunidad sa lungsod.



