Pinasinayaan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang kongkretong daan na magdurugtong sa Allacapan at Lasam, Cagayan, hapon ng ika-3 ng Abril 2025.
Pinangunahan mismo ng Ama ng Lalawigan na si Gob. Manuel Mamba, Allacapan Mayor Harry Florida, at Vice Mayor Yvonne Florida, Provincial Engineer Kingston James Dela Cruz at department heads ang pagpapasinaya sa nasabing daan.

Ang sementadong daan ay may habang 886 metro na tatahak sa mga barangay ng Labben, Kapagaran, Mapuraw, Nagattatan, at Utan sa Allacapan na durugtong sa barangay Cabatacan sa Lasam.
Bukod sa pagkongreto ay mayroon din itong 20 metrong retaining wall at tatlong (3) pipe culvert drainage. Ang proyekto ay pinondohan ng Php12 milyon mula sa Annual Investment Plan (AIP) 2023.
Kaugnay rito, lubos na pasasalamat ang ibinahaging mensahe ni Barangay Chairman Raymond Gabbac dahil sa aniya’y pag-unlad sa kanilang bayan. Aniya, nakikita at ramdam nila ng kanyang mga kababayan ang progresong nangyari sa kanilang bayan.
Layunin ng programa na mas mapadali ang pagbyahe ng mga produkto ng mga magsasaka at magkaroon ng alternatibong daan para sa ikagiginhawa ng mamamayan.
Source: Cagayan Provincial Information Office