Idinaos ng Department of Social Welfare and Development Field Office 02 (DSWD FO2) ang kauna-unahang coastal graduation ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa munisipalidad ng Dinapigue, Isabela.
Matapos sumailalim sa pagsusuri ng mga kawani ng kagawaran, 41 pamilya ang kusang umalis sa 4Ps dahil nakamit na nila ang self-sufficiency level, o may kapasidad na silang mamuhay base sa sariling kakayahan, at hindi na kailangan ng dagdag na tulong galing sa gobyerno.
Saad ng isang benepisyaryo at nakapagtapos ng 4Ps na sa tulong ng programa ay nagkaroon sila ng pangsustento sa kanilang pamilya at kanyang anak ay nakapagtapos na sa kursong Bachelor of Science in Agricultural Engineering at kasalukuyang nagtratrabaho sa munisipyo.
Samantala, kinilala din ang apat na grantee ng Expanded Student’s Grants-in-Aid Program for Poverty Alleviation, o ESGP-PA, na matagumpay na nakatapos sa kolehiyo. Isang benepisyaryo ng ESGP-PA ang nagpasalamat sa programa dahil siya ay nakapagpatuloy at nakapagtapos ng kolehiyo. Dagdag niya na ang mga natutunan nito sa programa ay malaking tulong sa kanyang pagtratrabaho bilang isang guro sa isang integrated school sa munisipalidad.
Nilagdaan ni Regional Director Lucia Suyu-Alan at Hon. Vicente D. Mendoza, alkalde ng Dinapigue, ang Specific Implementation Agreement na naglalayong suportahan ang mga nagsipagtapos sa programa para mapanatili nila ang self-sufficient na antas ng pamumuhay.
Malugod namang tinanggap ni Hon. Mendoza ang case folder ng mga nagsipagtapos at sinabing mas lalo pa nilang papaigtingin ang suporta para sa mga nagsipagtapos sa programang 4Ps.
Pinarangalan din ng ahensya ang Local Advisory Council na siyang kaagapay sa pagpapatupad ng 4Ps sa bayan ng Dinapigue. Kabilang dito ang mga kawani ng Philippine National Police, Rural Health Unit, at Lokal na Pamahalaan ng Dinapigue.
Source: DSWD FO2 FB Page