Isabela – Sabayang nagsabi ng “I Do” ang 76 na couples sa ginanap na Kasalang Bayan 2023 na bahagi pa rin ng 2023 National Women’s Month Celebration na isinagawa sa Municipal Gymnasium, Santa Maria, Isabela noong ika-22 ng Marso 2023.
Ang programa ay pinangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development na pinamumunuan ni Ginang Consorcia Viernes, MSWDO at ang Office of the Municipal Mayor at Local Government Unit ng Santa Maria, Isabela.
Dito ay gumanap bilang Solemnizing Officer si Municipal Mayor Hilario G Pagauitan.
Sa panimula ng okasyon ay ipinahayag ni Mayor Pagauitan ang kahalagahan ng kasal sa pagpapamilya.
Ito aniya ang nagpapatibay ng pundasyon para sa pagkakaroon ng isang matibay o matatag na relasyon sa buhay may-asawa.
Saad niya na ang pagmamahalan ay hindi dapat kumukupas at nababawasan kahit ilang taon man ang lumipas at dahil din dito ay nabubuo ang progresibong pamilya.
Pinakinggan din ng mga magpapakasal ang mga payo ni Mayor Pagauitan upang mapanatili ang alab ng pagmamahalan ng magsing-irog at wastong pag-aaruga sa mga anak.
Ayon din sa kanya ay hindi dapat nawawala ang pagpapahalaga sa pamilya habang sila ay nagsasama sa hirap man o sa ginhawa “𝑴𝒂𝒓𝒓𝒊𝒂𝒈𝒆 𝒊𝒔 𝒂 𝒍𝒊𝒇𝒆𝒕𝒊𝒎𝒆 𝒄𝒐𝒎𝒎𝒊𝒕𝒎𝒆𝒏𝒕 𝒂𝒏𝒅 𝒊𝒕 𝒊𝒔 𝑭𝒐𝒓𝒆𝒗𝒆𝒓”, dagdag pa ng alkalde.
Upang ganap na maging madamdamin at masaya ang kasalan ay hiniling ni Mayor Pagauitan na magbigayan ng kanilang wagas na pangako sa isa’t isa (exchange of vows) ang 76 pares na nagtapos sa “unang halik” matapos ang kasal.
Iniwan ni Mayor Pagauitan ang pag-asa ng pagkakaroon ng masayang pagsasama para sa lahat ng kanyang ikinasal.
Maliban sa libreng pagpapakasal ay kaloob din ang cake sa bawat pares at cash gift galing sa Pamahalaan ng Santa Maria, Isabela.
Bakas naman ang kagalakan at saya hindi lamang ng mga ikinasal gayundin sa mga pamilyang dumalo at sumaksi sa Kasalang Bayan ng Santa Maria 2023.
Ang mga tauhan naman ng Santa Maria Police Station ay nagbigay ng kaukulang seguridad at public safety services upang maayos at matagumpay na naidaos ang nasabing kasalan.