Sa pagpapatuloy ng kampanya para sa kalusugan at kalinisan, matagumpay na naisakatuparan ang buwanang “Zumbasusero: Zumba Dance and Coastal Clean-Up,” isang Zero Waste monthly activity ng Lokal na Pamahalaang Lungsod ng Alaminos sa pamumuno ni Mayor Arth Bryan C. Celeste, katuwang ang City Environment and Natural Resources Office (CENRO) sa pangunguna ni CGDH-I Rosalie Aruelo na isinagawa noong Sabado, Abril 26, 2025 sa Barangay Polo, Alaminos City.
Dinaluhan ang programa ng mga Zumba enthusiasts at ilang miyembro ng Barangay Council mula sa mga Barangay Polo, San Jose, at San Antonio. Masiglang sinimulan ang aktibidad sa pamamagitan ng Zumba dance session, na naglalayong itaguyod ang kahalagahan ng regular na ehersisyo at malusog na pamumuhay.

Matapos ang masayang sayawan, nagtulong-tulong ang mga kalahok sa isinagawang coastal clean-up drive sa baybayin ng Barangay Polo, bilang bahagi ng adbokasiya para sa pangangalaga ng kapaligiran at pagsuporta sa Zero Waste program ng lungsod.
Layunin ng programang ito na hikayatin ang mas marami pang mamamayan na maging aktibong kalahok sa mga inisyatibo para sa kapaligiran, habang pinapalaganap din ang kultura ng malusog na pamumuhay sa buong Lungsod ng Alaminos.
Source: LGU-Alaminos City, Pangasinan