Iginawad kay Joanna Faye Torzar, mula sa Quirino Province ang Best Award matapos manguna sa E-Tool Powerpoint Presentation Category sa 2023 Global Information Technology Challenge (GITC) for Youth with Disabilities na ginanap sa Abu Dhabi, UAE noong Oktubre 24-29, 2023.
Ito ay matapos niyang higitan ang 17 kalahok mula sa iba’t ibang bansa para sa nasabing kategorya. Kaugnay nito, siya rin ay isa sa 14 mula sa Pilipinas na kwalipikadong lumahok sa GITC.
Sinamahan siya ng kanyang coach na sina Ginoong Joey Ritumban ng Saguday National High School at Binibining Nancy Rivera ng Cabarroguis Central School Integrated SpEd Center, maging si Binibining Aireen Gazmen ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO) ng nabanggit na probinsya.
Ang GITC ay isang taunang patimpalak para sa mga kabataang may kapansanan upang maipakita ang kanilang natatanging kakayahan sa larangan ng Information Technology.
Samantala, ang Pangulo ng Department of Social Welfare and Development Field Office 02 (DSWD FO2) Regional Council on Disability Affairs ay nagbigay pugay sa kanyang nakamit na tagumpay.
Source: DSWD Region II