Hinatulang guilty sa kasong homicide ng Navotas Regional Trial Court Branch 286 ang isa sa anim na mga pulis Navotas na sangkot sa pagkamatay ng isang binatilyo noong Ausgust 2, 2023.
Ayon sa inilabas na desisyon ng korte nito lamang umaga ng Pebrero 27, 2024, guilty sa kasong homicide si Police Staff Sergeant Gerry Sabate Maliban habang guilty naman sa kasong illegal discharge of firearms sina Police Executive Master Sergeant Roberto Dioso Balais Jr.; Police Staff Sergeant Nikko Pines Corollo Esquillon; Police Corporal Edmard Jake Blanco; at Patrolman Benedict Danao Mangada. Samantala, acquitted naman si Police Staff Sergeant Antonio Balcita Bugayong.
Ang hinatulang mga pulis ay nagsagawa umano ng hot-pursuit operation sa isang suspek kung saan naroroon ang 17 anyos na biktima na kinilalang si Jemboy Baltazar, na noon ay naglilinis lamang ng kanyang bangkang-pangisda kasama ang kanyang mga kaibigan. Sa hindi inaasahang pangyayari ay kasamang nabaril ang biktima na siyang naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Tiniyak naman ng PNP ang publiko na sinisiguro nilang mapanagot ang lahat ng mga may sala sa batas kabilang na riyan ang iilan sa kanilang hanay na sangkot sa ganitong mga pangyayari. Habang hinihikayat din nila ang lahat ng mamamayan na maging mapagmatayag sakaling may parehong mga kaganapan sa kanilang lugar upang ito ay agad na mabigyang aksyon.