Pinarangalan bilang Gold Medalist ang isang Cagayano sa 2022 World POOMSAE Championship na ginanap sa South Korea nitong Abril 21-24, 2022.
Siya ay si Ernesto Guzman Jr na tubong Lemu, Enrile, Cagayan na nanalo sa larangang Taekwondo laban sa mga bansang Vietnam, Malaysia, Indonesia, at Thailand.
Nasungkit din niya ang 6th rank sa final medal tally sa buong Southeast Asia.
Taong 2013 nang una siyang tinanghal na World Champion sa Bali, Indonesia na nasundan ng pagkapanalo niya sa Mexico noong 2014.
Dalawang titulo naman ang naiuwi niya taong 2016 sa Lima, Peru at naideklarang World Online Poomsae Champion noong 2020.
Miyembro din si Guzman ng National Team mula 2010 hanggang 2015 bago ito nagdesisyon na maging coach ng Teakwondo sa Singapore.
Muli siyang bumalik ng bansa dahil sa naganap na lockdown dulot ng COVID-19 at ipinagpatuloy niya ang kanyang training.
Sa kagustuhan din niyang maibahagi ang kanyang talento sa kanyang mga kababayan ay sinimulan niya ang pagtuturo ng nasabing sport sa lalawigan ng Cagayan at sa Lungsod ng Tuguegarao.
“Upang makamit ang championship, kailangan ng disiplina, kailangan ng sakripisyo. Matuto tayong makinig at sumunod sa ating mga coaches, kahit anong sports pa yan.” ani Guzman. Source: Cagayan PIO