Pormal nang pinasinayaan ang Farm-to-Market Road (FMR) sa bahagi ng Barangay Maddarulug Norte, Enrile, Cagayan noong ika-2 ng Mayo 2025.
Ito ay matapos ang konstruksyon ng kalsada kung saan pinangunahan mismo ni Gov. Manuel N. Mamba ang pagpapasinaya, batay sa datos na ibinahagi ni Provincial Engr. Kingstone James Dela Cruz, ang kinongkretong barangay road ay may habang 570 meters mula sa National Highway papasok sa naturang barangay.
Inihayag nito na ang naturang proyekto ay pinondohan ng Php12 Milyon sa ilalim ng Supplemental Budget ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.
Sa naging mensahe ni Gov. Mamba, muli nitong binigyang-diin ang mandato ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan na walang mapag-iiwanang mga barangay at munisipalidad sa lalawigan.


Siniguro ng Ama ng Lalawigan na isasakatuparan ng Pamahalaang Panlalawigan ang mga programa at serbisyong tutugon sa pangangailangan ng mga Cagayano tulad na lamang ng pagsasaayos sa mga provincial road na pinakikinabangan na ng mga mamamayan.
Ayon kay Gov. Mamba na ang pagsasakatuparan sa iba’t ibang mga proyekto sa lalawigan tulad ng pang-imprastaktura, pang-agrikultura, at pag-supporta sa mga barangay at munisipalidad ay mahalaga dahil pakikinabangan ito ng pangmatagalan at hanggang sa susunod pang henerasyon.
“We tried to define a better future for ourselves and for our children, gusto ko lang sabihin po sa inyo na hindi puwedeng balewalain ang kinabukasan dahil ito ay para sa ating mga anak at sa anak ng anak natin,” ani Gov. Mamba.
Ayon pa kay Gov. Mamba na sa pamamagitan ng pagpapabuti sa Cagayan at sa bawa’t mamamayan nito ay nalutas ang problema sa insurhensiya kaya idineklara na itong “insurgency free” ng kasundaluhan at kapulisan.
Dagdag pa ni Gov. Mamba na hindi baril at bala ang naging sandata ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan upang malutas ang problema sa insurhensiya kundi ang paglapit ng mga serbisyo sa komunidad kasama na ang pagsasaayos ng mga kalsada, ospital, paaralan, at iba pa tungo sa pag-unlad.
Source: Cagayan Provincial Information Office