21.6 C
Baguio City
Sunday, January 19, 2025
spot_img

Ika-18 “Balay Silangan” ng Cagayan, pinasinayaan

Matagumpay na pinasinayaan ang ika-18 Balay Silangan sa lalawigan ng Cagayan na siyang ika-45 sa buong Rehiyon Dos, sa Demo Farm, Brgy. Gosi, Tuguegarao City nitong Huwebes, Mayo 12, 2022.

Ito ay pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency na sinuportahan naman ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan kasama ang puwersa ng kapulisan.

Ang bagong pasilidad ay magsisilbing pansamantalang tirahan para sa mga repormista na nais nang magbago at tuluyang talikuran ang ilegal na droga habang sumasailalim sa isang buwang programa ng repormasyon.

Ang ilegal na droga ay isa rin sa matagal nang suliranin ng pamahalaan kung kaya ay nagkaroon ng programa upang tuluyang sugpuin ito.

Ang mga repormista ay isasailalim sa iba’t ibang programa ng interbensyon kasama ang patuloy na edukasyon, kamalayan sa kalusugan, kabuhayan, pag-unlad ng mga kasanayan at iba pa.

Tinutukan at personal na sinubaybayan ni Police Colonel Renell Sabaldica, Provincial Director ng Cagayan Police Provincial Office ang pagpapatayo at pagkakaroon ng “Balay Silangan” sa lahat ng munisipalidad at lungsod na kanyang nasasakupan sapagkat ito ang isa sa mga kinakailangan upang tuluyang maideklarang drug-cleared community ang isang bayan.

Bukod dito, nagsagawa rin ng signing of Memorandum of Agreement at Manifesto bilang tanda ng pagkakaisa ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para tuluyang tuldukan ang problemang ito.

Nagkaroon din ng Pledge of Commitment ang mga miyembro ng Technical Working Group na siyang tutulong o aasiste sa mga reformist sa kanilang pamamalagi sa loob ng naturang “Balay Silangan”.

Patuloy na nagsusumikap ang Cagayan PPO katuwang ang pamahalaan upang tuluyan nang wakasan ang ilegal na droga at maideklarang drug-cleared ang lungsod ng Tuguegarao.

Source: Cagayan Police Provincial Office

Related Articles

Be updated in Social Media

1,700FansLike
21FollowersFollow
0FollowersFollow
612FollowersFollow
55SubscribersSubscribe
- Advertisement -spot_img

Latest Articles