Matapos ang public consultations, solusyon sa trapiko, solusyon sa basurang inspeksyon, certifications at pagkumpleto sa mga dokumento na hinihingi ng Lokal na Pamahalaan ng Baguio City ay muling binuksan sa publiko ang Igorot Stone Kingdom na isa sa mga tourist spots sa Baguio City nito lamang ika-3 ng Abril 2023.
Ang Igorot Stone Kingdom ay isang theme park na may lawak na 6,000 square meters na napapalibutan ng mga punong-kahoy at nagpapakita ng katutubong kultura ng Cordilleras, gayundin ang mga gawi, tradisyon, pagpapahalaga at paraan ng pamumuhay ng mga mamamayan nito.
Tampok sa Igorot Stone Kingdom ang mga pader na bato na hango sa rice terraces ng Batad sa Banaue. Ang mga batong pader ay itinayo sa ‘riprap’ kung saan ang mga bato o malalaking bato ay pinagdugtong-dugtong upang bumuo ng isang pader.
Matatandaan na ang Igorot Stone Kingdom na matatagpuan sa Long-Long Road, Pinsao Proper, Baguio City ay ipinasara ng lokal na pamahalaan ng Baguio City noong ika-8 ng Nobyembre 2022 dahil sa permit at safety issues kung saan ngayong araw nga ay muling binuksan sa publiko.