Iba’t ibang produkto mula sa sektor ng agrikultura ang bida sa tatlong araw na KADIWA Trade Fair and Exhibit na inilunsad ng Department of Agriculture Regional Field Office No. 02 (DA RFO 02) sa Robinsons Place, Tuguegarao City, Cagayan noong ika-10 ng Abril 2025.
Ang aktibidad ay isinagawa sa pangunguna ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD), bilang bahagi ng pagdiriwang ng “Filipino Food Month 2025″ na may temang “Sarap ng Pagkain Pilipino: Yaman ng ating Kasaysayan, Kultura, at Pagkatao.”
Tampok dito ang mga sariwa at processed na mga produktong agrikultura gaya ng bigas, mais, gulay, prutas, root crops, kape, cacao, processed meat, fruit preserves, native snacks, at iba pang lokal na produkto.

Ang KADIWA Trade Fair ay nilahukan ng 38 na mga exhibitor mula sa mga probinsiya ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, at Quirino.
Ayon sa DA RF02, layunin ng trade fair na matulungan ang mga magsasaka, mangingisda, at maliliit na negosyante na direktang maibenta ang kanilang produkto sa mga mamimili nang walang patong sa presyo.
Sa pamamagitan nito, nabibigyan ng pagkakataon ang mga local producer na makapagbenta ng kanilang mga produkto nang hindi na dumadaan sa mga middlemen, kaya’t mas tataas ang kanilang kita at maiwasan ang pagkalugi.
Ipinunto rin ng ahensya na sa ganitong hakbang, parehong makikinabang ang dalawang panig dahil hindi lamang tataas ang kita ng mga exhibitor, kun’di makakabili rin ang mga consumer ng abot-kaya, sariwa, at dekalidad na mga produkto.
Source: Cagayan Provincial Information Office