Isinagawa ang pagsasanay sa hydroponics at aquaponics food production sa Cagayan Farm School and Agri-tourism Center sa Anquiray, Amulung, Cagayan noong Biyernes, ika-16 ng Septyembre 2022.
Kasama ang unang ginang ng Cagayan na si Atty. Mabel Villarica-Mamba sa naturang pagsasanay at ilang empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan at mga magsasakang Cagayano na nais magsanay hinggil sa pagtatanim ng mga gulay at pag-alaga ng isda sa kahit maliit na espasyo ng lupa.
Kaugnay nito, nagdaan din sa pagsasanay ang mga department heads at ilang empleyado ng Kapitolyo.
Ang naturang training ay isinasagawa tuwing umaga sa kada Biyernes sa farm school.
Kailan lang ay binuksan na ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) sa pangunguna ni Provincial Agriculturist Pearl P. Mabasa ang pagsasanay para sa lahat na nais matuto sa simpleng pagtatanim ng lettuce, kamatis, pipino, kangkong at melon sa pamamagitan ng hydroponics.
Ginagamitan lamang ng konting lupa ang pagtataniman nito at palalakihin sa tubig kung saan gagamitin naman sa aalagaang isda tulad ng hito o tilapia.
Binanggit rin ni Mabasa na ang hydroponics at aquaponics ay isang simpleng negosyo ng mga Cagayano bilang paghahanda rin sa pagbubukas ng International Seaport sa Cagayan.
Source: Cagayan Provincial Information Office