Naging mas makulay, masaya at makabuluhan ang pagdiriwang ngayong taon ng Hundred Islands Festival at City Fiesta bilang papuri at pasasalamat sa ating mahal na Patron San Jose, sa pagdating at pakikiisa ni Vice President at Education Secretary Sara Z. Duterte, na siyang nagbukas ng Agri-Trade Expo sa Plaza Marcelo Ochave nito lamang ika-19 ng Marso 2023.
Mainit na sinalubong nina 1st District Congressman Arthur F. Celeste, Vice Governor Mark Lambino na kumatawan kay Gov. Ramon V. Guico III, Host City Mayor Arth Bryan C. Celeste at DepEd Alaminos City Division Chief Dr. Vivian Luz Pagatpatanang ang Bise-Presidente sa kanyang kauna-unahang working visit sa lungsod ng Alaminos.
Sa kanyang mensahe, nagpasalamat si VP Sara sa imbitasyon ni Mayor Arth Bryan at sa napakainit na pagtanggap sa kanya sa lungsod ng Alaminos.
Pinuri din niya ang mga programa ng pamahalaang lungsod sa pangangalaga sa Hundred Islands, pagpapanatili sa mga cultural heritage ng lungsod at pagpapalakas sa sektor ng agrikultura at turismo.
Kinilala din niya ang kontribusyon ng agri-sector sa food security ng bansa na isa sa mga tinututukan ngayon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa ilalim ng kanyang 8-Point Socio-Economic Agenda.
Nangako din si VP Sara na muling magbabalik sa ating lungsod upang personal na masilayan ang ganda at maranasan ang Hundred Island at buong puso niyang susuportahan ang mga programa at proyekto para sa tuloy tuloy na pag-unlad ng Alaminos at ng probinsya ng Pangasinan.
Dumalo din sa programa sina 2nd District Congressman Mark Cojuangco, 3rd District Congressman Rachel Arenas at 5th District Congressman Marlyn Primicias-Agabas, matataas na opisyal ng Department of Agriculture, Philippine National Police, ilan pang mga LGU officials sa uno distrito, mga school leaders, barangay officials at agri-sector.