Baguio City – Sinira ng mga tauhan ng Public Order and Safety Division (POSD) ang mga nakumpiskang sigarilyo sa mismong harapan ng Baguio City Hall nitong Lunes, ika-28 ng Pebrero, taong kasalukuyan.
Umabot sa kabuuang Php870, 000.00 ang halaga ng mga nakumpiskang 89.5 kilo ng sigarilyo at 43 vape unit mula sa mga vendors at mga indibidwal na nahuling lumabag sa anti-smoking ordinance ng lungsod.
Ayon kay Daryll Longid ng POSD, umabot sa 449 individual at 978 business establishments ang naitalang lumabag sa ordinansya mula Enero 2021 hanggang Pebrero 28, 2022.
Ayon kay City Mayor Benjie Magalong, strikto ang pamahalaan ng Baguio sa pagpapatupad ng anti-smoking sa mga pampublikong lugar ng lungsod.
“Ulitin ko. Dito sa Baguio, sa ating pong mga residente at sa mga bisita nating umaakyat sa Baguio, ikinalulungkot kong bangitin sa inyo na hindi po talaga kayo pwedeng manigarilyo sa mga public places. The only place where you can have your cigarette is inside your home,” mensahe ni Mayor Magalong.
Bukod dito, pinuri din niya ang mga nasa business sector lalo na ang mga nagtitinda ng sigarilyo na talagang sumusunod sa ordinansya at pinasalamatan naman niya ang lahat ng sumusunod at sumusuporta sa anti-smoking ordinance ng lungsod.
***