Nagbalik sa gobyerno ang 30 miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front at residente ng Sitio Dicolayungan, Baler, Aurora nito lamang ika-17 ng Hulyo 2022.
Ayon sa pahayag ni Lieutenant Colonel Julito Recto Jr, Commanding Officer ng 91st Infantry Battalion, Philippine Army, ang pagbabalik-loob ng mga dating teroristang grupo ay resulta ng maigting na pakikipag-dayalogo at symposium na sinasagawa ng mga kasundaluhan.
Dagdag pa ni LtCol Recto, napagtanto ng mga sumuko na sila’y nalinlang ng estratehiya ng CPP-NPA-NDF sa pamamagitan ng agitate-organize-mobilize tactics na naging dahilan ng kanilang pag-anib sa sectoral front organizations.
Ang kanilang pangako na bawiin ang suporta mula sa armadong grupo ay isang matapang na hakbang tungo sa ganap na pagpuksa ng insurhensya sa lalawigan.
Pinakiusapan din ni PLtCol Recto ang grupo na wag na muling hayaan na malinlang sila ng teroristang grupo.
Siniguro ni PLtCol Recto na iaabot nila ang mga serbisyo at programa ng gobyerno.
Hinimok din niya na makiisa at hikayatin ang mga natitirang miyembro ng rebeldeng grupo na yakapin ang tahimik na pamumuhay kasama ang kanilang pamilya.
Source: PNA