Mahigit 1,500 residente mula sa iba’t ibang barangay ng Buguias, Benguet ang nakinabang sa mga serbisyong hatid ng HEALTHIER Benguet Caravan na isinagawa sa Buguias Socio-Cultural and Evacuation Center, Loo, Buguias, Benguet noong ika-28 ng Nobyembre 2024.
Ang aktibidad ay naisakatuparan sa inisyatibo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Benguet (PLGU) sa pangunguna ni Gobernador Dr. Melchor Daguines Diclas, katuwang ang Lokal na Pamahalaan ng Buguias, Provincial Health Office (PHO) at mga district hospitals, Benguet General Hospital, LGU partners, mga ahensya ng pamahalaan, at mga volunteer physicians at health workers.
Tampok sa aktibidad ang pamamahagi ng mga serbisyong medikal gaya ng konsultasyon sa internal medicine, operasyon, obstetrics, otorhinolaryngology, ophthalmology, pediatrics, at physical therapy. Kasama rin ang minor surgeries, dental consultations, paglilinis ng ngipin, pagbunot, laboratory services, at diagnostic procedures gaya ng ultrasound at ECG.
Bukod pa rito, mayroon din mga eye check-up, paralegal services, artificial insemination para sa baboy, pagbabakuna laban sa rabies, deworming, pamamahagi ng binhi, patent releases, at koleksyon ng Real Property Tax (RPT).
Namahagi rin ang Provincial Social Welfare and Development Office ng food packs para sa mga batang may espesyal na pangangailangan, habang ang Benguet Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) ay nagbigay ng coffee seedlings sa isang napiling organisasyon sa munisipalidad.
Ang aktibidad ay bilang pagsuporta ng lalawigan ng Benguet sa isa sa adhikain ng kasalukuyang administrasyon hinggil sa kalusugan na naglalayong pagbutihin ang pagiging abot-kamay sa mga serbisyong pangkalusugan para sa lahat ng mamamayan, lalo na sa mga liblib at hindi gaanong nasusuplayan ng medical services na lugar.