Bilang pagdiriwang ng National Dental Health Month, matagumpay na isinagawa ang Health Caravan sa mga mag-aaral ng Mountain Province General Comprehensive High School (MPGCHS) sa Eyeb Gym, Poblacion, Bontoc, Mountain Province nito lamang Pebrero 17-19, 2025.
Ang aktibidad ay pinangunahan ng Parent-Teacher Association (PTA) ng MPGCHS katuwang ang Schools Division ng Mountain Province, iba’t ibang ahensya ng gobyerno, mga pribadong sektor, at mga lokal na organisasyon.
Tampok sa aktibidad ang pagbibigay ng libreng dental at medical na check-up, mga pagsusuri sa nutrisyon, psychological support at counselling, urine strip testing, capillary blood sugar testing, at pamimigay ng libreng bitamina, supplements at gamot.

Nagsagawa din ng lektura patungkol sa healthy lifestyle choices, mga estratihiya upang labanan ang dengue fever, at ang kahalagahan ng pag-iwas sa sakit at pangangalaga sa kalusugan ang mga boluntaryo sa mga mag-aaral.

Layunin ng aktibidad na itaguyod ang kalinisan sa katawan at pangkalahatang kalusugan ng mga mag-aaral at magsagawa ng mga kinakailangang health check-ups upang mapataas ang kamalayan ng mga mag-aaral tungkol sa kanilang kalusugan at kapakanan bilang paghikayat na maging responsable sa kanilang kalusugan.

Ang Health Caravan ay isang magandang halimbawa na nagpapakita ng pagtutulungan ng mga iba’t ibang sektor upang tugunan ang mga pangangailangan sa kalusugan ng komunidad.