Tumanggap ang mga residente ng Abra ng tulong mula sa pamahalaan sa pamamagitan ng iba’t ibang programa at serbisyong hatid ng mga ahensya sa naganap na “Handog ng Pangulo: Sapat na Serbisyo Para sa Lahat” nito lamang ika-16 ng Setyembre 2024.
Tampok sa aktibidad ang pagsasagawa ng Department of Labor and Employment ng payout para sa mga benepisyaryo ng Government Internship Program at pamamahagi ng ng Php441,421.00 halaga ng livelihood packages sa mga benepisyaryo mula sa mga bayan ng Tayum, Dolores, San Isidro, Bucay, Sallapadan, Lagangilang, at Pilar.
Tatlong kooperatiba na nagbebenta ng mga local na produkto naman ang tumanggap ng Php2.5 milyon na tulong mula sa Department of Trade and Industry (DTI) sa ilalim ng Shared Service Facilities. Samantala, namahagi din ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng higit sa P800,000 Training Support Fund at Awarding of Toolkits at iba pang serbisyo at demonstrasyon. Tinatayang P11,075,175.86 halaga ng iba’t ibang tulong at kagamitan sa mga magsasaka at mga asosasyon ng magsasaka at kooperatiba naman ang pinamigay ng Department of Agriculture. Ikinagalak din ng mga benepisyaryo ang pamimigay ng Department of Health (DOH), sa pangunguna ng panauhing si Undersecretary Mary Ann Maestral, ng mga kagamitang medical, libreng gamot at libreng konsultasyon.
Layunin ng aktibidad na ilapit ang mga serbisyo sa mga mamamayan at ito rin ay bahagi ng pagdiriwang ng ika-67 kaarawan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.