Nagsagawa ng Groundbreaking Ceremony ang LGU Cagayan upang simulan na ang pagpapatayo ng limang (5) silid-aralan sa dalawang barangay sa bayan ng Tuao, Cagayan noong ika-9 ng Pebrero 2024.
Ang naturang seremonya ay pinangunahan ni Governor Manuel Mamba at unang ginang Atty. Mabel Mamba, kasama si Mayor William Mamba, mga lokal na opisyal, principal, guro, Parents-Teachers Association (PTA), at mga barangay officials.
Ang pondo sa pagpapagawa ng naturang pasilidad ay mula sa nakalap na pondo ng unang ginang na si Atty. Mabel Mamba mula sa China Foundation for Peace and Development.
Dalawang silid-aralan para sa mga kinder pupils ang ipatatayo sa Naruangan East Central School (NECS) at tatlo naman sa Taribubu Integrated School (TIS).
Ayon kay Atty. Mamba, nabatid nito mula sa Chinese Embassy na mayroong posibleng pondo na nagkakahalaga ng $70,000 para sa mga katulad na proyekto kung kaya’t ito ang kanyang naisip paglaanan ng proyekto.
Aniya, malaking tulong ito para maisakatuparan ang pagkakaroon ng kumportable na silid-aralan ang mga bata at nang makapag-aral ng mabuti.
Bahagi rin ito ng kagustuhan nila ni Governor Mamba na makahingi ng pondo hindi lamang sa pamahalaan at pribadong sektor sa bansa kundi maging sa ibang bansa.
Source: Cagayan PIO