Matagumpay na naisagawa ang Grand Field Day ng Provincial Rice Technology Forum (PRTF) at pagtatapos ng 39 na rice farmers sa kanilang Farmer Field School (FFS) na Hybrid Rice Production sa Barangay Bessang, Allacapan, Cagayan noong ika-13 ng Abril 2023.
Ayon kay Pearlita P. Mabasa, Provincial Agriculturist ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan na ang Grand Harvest Field Day ay pag-aani ng pananim na palay ng mga magsasaka sa panahon ng dry season.
May kabuuang 50 ektarya ang tinaniman ng hybrid rice na sinimulan noong Disyembre 2022 hanggang Abril 2023 gamit ang makabagong teknolohiya o tinatawag na techno demo na pinangunahan ng PRTF katuwang ang iba’t ibang kumpanya ng hybrid rice at fertilizer.
Kaugnay nito, ipinaliwanag ng Provincial Agriculturist na sa bayan ng Allacapan lamang ang may malawak na palayan at magkakatabing lupa ng mga magsasaka na hindi gumagamit ng hybrid rice na kung saan ito na ang napiling lugar para isagawa ang techno demo.
Kasabay na rin umano sa techno demo ay ang patatapos ng pag-aaral ng mga magsasaka na miyembro ng Bessang Small Water Impounding System Association (BESWISA) sa Hybrid Rice Production.
Samantala, ang mga kumpanya ng palay na naging katuwang sa techno demo ng PRTF ay kinabibilangan ng Bayer Cropscience Inc., Corteva Agriscience, SL- Agritech Corp., LongPing Tropical Rice Development Inc., Bioseed Research Philippines Inc., Syngenta Philippines Inc., TAO Foods Company- Seed, Philippine Rice Research Institute-Isabela, Aljay Agro- Industrial Solutions Inc., Enviro Scope Synergy Inc., Leads Agriventures Corp., Green and Grow Technologies Inc., at RAMGO International Corp.
Source: Cagayan Provincial Information Office