Nagsagawa ng Medical Caravan ang Federation of Secondary School Teachers Association para sa mga guro ng Schools Division Office (SDO) ng Tuguegarao City na ginanap sa Robinsons Mall, Tuguegarao City, Cagayan noong Hulyo 17, 2023.
Ang medical caravan ay proyekto ng nasabing asosasyon na dinaluhan ng mahigit 70 na mga guro mula sa iba’t ibang sekondaryang paaralan sa Lungsod, mga medical workers at mga bisita.
Layunin nitong makapagbigay ng libreng konsulta sa mga guro, namigay din ng health kit at libreng mga gamot at bitamina para sa mga karaniwang sakit tulad ng sakit sa ulo, ubo, sipon, sakit sa tiyan at iba pa.
Bukod sa naturang konsultasyon, nagkaroon din ng lecture hinggil sa Lifestyle Related Diseases at Healthy Lifestyle na tinalakay ni Dr. Cleofe Maryjane D. Torres, Medical Officer ng SDO Tuguegarao City at Mrs. Janet Rimban ng City Health Office.
Kasabay nito, nagsagawa rin ng blood sugar testing, BP monitoring, at bone density at liver testing ang isang grupo ng health workers.
Samantala, pinuri ni Gng. Catalina Tuppil, kinatawan ng SDO Tuguegarao ang federation sa pagpapakita ng malasakit sa mga guro.
Ayon kay Tuppil, napakagandang programa ang medical caravan, kung saan umaasa siyang maipagpapatuloy pa ito sa mga susunod na panahon.
Source: Tuguegarao City Information Office