Sumailim sa Mandarin Language Training ang mga empleyado ng Kapitolyo ng Cagayan na isinagawa ng Cagayan Provincial Learning and Resource Center (CPLRC) katuwang ang Human Resource and Management Office nito lamang Pebrero 7, 2024.
Nagsilbing tagapagturo sa language training ang Weiwei Song ng Confucius Institute mula sa Xiamen University ng China na sinimulan nitong Miyerkules at magtatapos sa Pebrero 28, 2024.
Ayon kay Michael Pinto, Provincial Librarian, bahagi ito ng partnership ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa UP Confucius Institute kung saan napagkasunduan ang mga pagsasanay tulad nito at mga cultural exchange activity.
Bahagi rin ito aniya ng paghahanda sa proyekto ni Governor Manuel Mamba na Cagayan International Gateway Project kung saan inaasahan ang madalas na pakikipagtalastasan at pakikipag-ugnayan ng mga Cagayano sa mga ibang nasyonalidad kapag nabuksan na ang international trade sa lalawigan.
Ang mga empleyadong kalahok ay mula sa Cagayan Provincial Information Office, Governor’s Office, Tourism Office, Provincial Health Office, Provincial Social Welfare and Development Office, Provincial Disaster and Risk Reduction Management Office, Office of the Provincial Agriculturist, Provincial Veterinary Office, Provincial Planning and Development Office, at Human Resource Management Office.
Kaugnay nito, ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ay sumusuporta sa patuloy na pag-unlad at pagpapanatili ng maayos na ugnayan ng pamahalaan sa ibang nasyonalidad na siyang magiging daan para sa pag-unlad ng Pilipinas.
Source: Cagayan Provincial Information Office