Dumagsa ang humigit kumulang 12,000 katao sa Education Assistance Pay-out ng DSWD Region 2 na ginanap sa iba’t ibang lugar sa probinsya ng Cagayan, Isabela, Quirino, at Nueva Vizcaya nito lamang Sabado, ika-20 ng Agosto 2022.
Ayon sa datos na inilabas ng Department of Social Welfare and Development Field Office 2 (DSWD FO2), tinatayang 2,000 katao ang nagtungo sa Lungsod ng Tuguegarao, Cagayan; 5,000 sa Lungsod ng Ilagan, Isabela; 3,000 sa Cabarroguis, Quirino; at 2,000 sa Bayombong, Nueva Vizcaya.
Samantala, isang aplikante pa lamang mula sa Basco, Batanes ang nag-apply at nabigyan ng Educational Assistance.
Layunin ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng kagawaran na matulungan ang mga student-in-crisis sa kanilang mga pangangailangan sa pag-aaral.
Ang bawat benepisyaryo ay mabibigyan ng financial assistance base sa bilang ng mga estudyante sa kani-kanilang pamilya.
Source: DSWD Region II