Mahigit 10,000 na indigent senior citizens mula sa City of Ilagan, Isabela, ang nakatanggap ng tulong mula sa Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan Rehiyon Dos, sa ilalim ng programang Unconditional Cash Transfer (UCT).
Nagsagawa ang kagawaran ng cash card distribution noong ika-4 hanggang ika-8 ng Oktubre taong kasalukuyan sa 91 na barangay ng syudad.
Ang UCT ay ang pinakamalaking tax reform mitigation program sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law na naglalayong magbigay ng mga cash grants sa mahihirap na kababayan at indibidwal na maaaring hindi apektado ng mas mababang antas ng buwis sa kita, ngunit maaaring maapektuhan ng pagtaas ng mga presyo ng bilihin.
Tinatayang naglalaman ang cash cards ng Php4,600.
Samantala, ang mga benepisyaryong yumao noong 2020 hanggang Marso 31, 2022 ay makakatanggap lamang ng Php3,600, na maaaring kunin ng kanilang mga awtorisadong kamag-anak.
Katuwang ng ahensya ang lokal na pamahalaan ng City of Ilagan, Isabela at Land Bank of the Philippines, Ilagan Branch.
Magpapatuloy pa rin ang kagawaran sa pagsasagawa ng balidasyon at distribusyon sa buong rehiyon, hanggang sa pagtatapos ng taon.