Nagsagawa ng groundbreaking ceremony ang Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan Rehiyon Dos (DSWD FO2) para sa itatayong isang silid paaralan sa Sitio Bagsang, Barangay Sta. Clara, Gonzaga, Cagayan ngayong ika-5 ng Setyembre 2023.
Ang itatayong silid paaralan ay sa ilalim ng programang Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS), sa ilalim ng Payapa at Masaganang Pamayanan (PAMANA) modality.
Ayon sa Area Coordinating Team (ACT)-Gonzaga ng KALAHI-CIDSS, nasa mahigit apat na kilometro ang layo ng pinakamalapit na paaralan kaya’t hirap ang mga kabataan na maglakbay tuwing pasukan, lalo na tuwing panahon ng tag-ulan.
Dahil dito, layunin ng nasabing proyekto na mas mapadali ang access ng mga Indigenous People (IP), partikular na ang mga Agta at Igorot, na naninirahan sa nasabing lugar.
Lubos rin ang pasasalamat ni Mr. Wilferdo Sibayan, Chieftain ng komunidad ng Agta sa tulong na hatid ng ahensya. “Laking pasasalamat ko sa ahensya sa tiyaga ninyong puntahan ang aming lugar upang mabigyan kami ng bagong silid paaralan. Huwag sana kayong magsawang tumulong sa aming komunidad”, ani nito.
Sa kabuuan, Php711,678.60 ang nakalaan na pondo para sa proyekto; Php600,000 ay mula sa programa, Php107,078.60 mula sa lokal na pamahalaan ng Gonzaga, na pinamumunuan ni Alkalde Marilyn S. Pentecostes, at Php4,600 naman mula sa iba’t ibang kontribusyon.
Source: DSWD Region 2