Namahagi ng Php10,000 Cash Assistance ang pamunuan ng Department of Social Welfare and Development Field Office 2 sa pamilyang naapektuhan ng Bagyong Julian sa lalawigan ng Batanes noong Oktubre 8, 2024.
Pinangunahan ni DSWD FO2 Regional Director Lucia Suyu-Alan ang pamamahagi ng cash assistance katuwang sina Governor Marilou Cayco, Congressman Ciriaco Gato Jr. at mga miyembro ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batanes.
Ang pamamahagi ng cash assistance ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magbigay ng agarang tulong sa mga apektadong residente kabilang ang pamamahagi ng Family Food Packs at Water Filtration Kits kasabay ng pagbisita kamakailan nina Pangulong Marcos at DSWD Secretary Rex Gatchalian.
Patuloy na binabantayan ng ahensya ang kalagayan ng mga residente sa Batanes upang masigurong maipapamahagi ang lahat ng kinakailangang tulong para sa kanilang tuluyang pagbangon mula sa epekto ng bagyo.
Source: Cagayan Provincial Information Office