Nagsagawa ang Department of Social Welfare and Development Field Office II ng orientation para sa pilot beneficiaries ng Walang Gutom Program sa San Mariano, Isabela nito lamang ika-7 ng Pebrero 2025.
Ito ay aktibong nilahukan ng tatlumpu’t-isang kinatawan mula sa iba’t ibang barangay ng San Mariano.
Layunin ng nasabing aktibidad na palawakin ang kaalaman ng mga benepisyaryo hinggil sa implementasyon ng nasabing programa, mga alituntunin nito, at ang positibong epekto nito sa komunidad.
Tinalakay din ang mahahalagang tungkulin ng Barangay Local Government Unit upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng programa, kabilang ang pagbibigay ng suporta sa mga benepisyaryo, mekanismo ng pagsubaybay, at mga estratehiya upang higit na mapakinabangan ang tulong mula sa gobyerno.
Sa naging talakayan, ibinahagi ng mga kalahok ang kanilang mga katanungan at karanasan, na nagbigay-daan sa mas malalim na pang-unawa at pagpapabuti ng implementasyon.
Ang oryentasyon ay naging daan upang mapatatag ang ugnayan ng mga kinatawan ng BLGU at pagtibayin ang kanilang pangakong gabayan at suportahan ang mga benepisyaryo. Sa kanilang aktibong partisipasyon, inaasahang magbubunga ito ng pangmatagalang pagbabago para sa mga komunidad ng San Mariano.
Source: DSWD RII