Patuloy ang isinasagawang payout ng Department of Social Welfare and Development Field Office I para sa pamamahagi ng cash assistance sa mga partner-beneficiaries sa ilalim ng Project LAWA at BINHI sa Ambaguio, Nueva Vizcaya ngayong araw, ika-5 ng Hunyo, 2025.
Nasa 350 na benepisyaryo ang nakatanggap ng tig-Php9,000 bilang kabayaran sa kanilang dalawampung (20) araw na pagseserbisyo. Kabilang dito ang limang araw na cash-for-training at labinlimang araw na cash-for-work, na nakatuon sa paggawa ng water harvesting facilities at pagtatanim ng gulay sa kanilang komunidad.
Ayon kay Ms. Jenilyn Dulay, isa sa mga benepisyaryo, malaki ang naitulong ng proyekto sa kanilang lugar na malayo sa poblacion. Aniya, “Dahil sa Project BINHI, nagkaroon kami ng sariwang gulay na malapit lang sa amin. Kapag nadagdagan pa ito ng tilapia mula sa Project LAWA, mas mapapabilis pa ang access namin sa pagkain.”
Ang Project LAWA at BINHI ay bahagi ng mga hakbang ng DSWD upang makapaghatid ng tulong sa mga komunidad sa pamamagitan ng mga programang tumutugon sa epekto ng climate change.
Layunin ng proyekto na palakasin ang seguridad sa pagkain at tubig ng mga komunidad sa pamamagitan ng pagtatayo ng water harvesting facilities at communal gardens.
Source: DSWD Region Il