Ipinagdiwang ng Department of Social Welfare and Development Field Office 2 ang nationwide Christmas for Kids – Gift Giving Activity for Children sa Centers and Residential Care Facilities sa Solana at Enrile, Cagayan noong Disyembre 04, 2022.
Batay sa datos, mayroong 20 residente sa Cagayan Valley Regional Rehabilitation Center for Youth (CVRRCY) sa Enrile, 24 sa Reception and Study Center for Children (RSCC), at 33 sa Regional Haven for Women and Girls (RHWG) sa Solana na siyang pangunahing benepisyaryo sa pagdiriwang ng “Pasko para sa mga Bata”.
“Nagpapasalamat po ako sa maagang blessing na handog ni Pangulong BBM para sa akin at mga kapatid ko sa center. Kahit pa man nakagawa kami ng hindi maganda sa aming nakaraan, hindi kayo nakakalimot sa tulad namin at patuloy na ipinadama sa amin ang diwa ng pasko. Nawa’y madami pa kayong mapasaya”, aniya ni alyas Raizen, isang 20-anyos ng matanggap niya ang kanyang regalo mula sa departamento.
Ang aktibidad ay ginanap sa Malacañang Grounds at personal na dinaluhan ng mga bata mula sa Field Office-National Capital Region residential care facilities.
Sabay-sabay itong sinalihan ng mga CRCF mula sa ibang mga rehiyon sa Pilipinas.
Layunin ng DSWD, Office of the President, Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), at nationwide volunteer groups na ipalaganap ang saya sa pamamagitan ng pagbibigay ng regalo at partisipasyon ng komunidad ngayong Pasko.
Source: DSWD Region 2