Nagbigay ang Department of Social Welfare and Development – Cordillera Administrative Region (DSWD-CAR) ng kabuuang ₱126,900 sa 27 Persons with Disabilities (PWDs) mula sa Daguioman, Abra bilang bahagi ng Cash-for-Work Program sa ilalim ng KALAHI-CIDSS nito lamang Hunyo 2, 2025.
Ang bawat benepisyaryo ay tumanggap ng ₱4,700 bilang kabayaran sa kanilang 10 araw na serbisyo mula Abril 24 hanggang Mayo 9, 2025.
Ang mga gawain ay kinabibilangan ng paglilinis ng mga pampublikong lugar at pangangalaga ng mga daanan. Ayon kay Mr. Oneal M. Wayaway, Persons with Disability Affairs Officer (PDAO), layunin ng programa na mapalakas ang partisipasyon ng PWDs sa mga aktibidad na makikinabang ang buong komunidad.
Isa sa mga benepisyaryo, si Ms. Jherrylyn Buaken, ay nagplano na gamitin ang kanyang kita upang bumili ng semento para sa sahig ng kanilang tahanan.
Ang pamamahagi ng ayuda ay isinagawa pagkatapos ng halalan noong Mayo 2025 upang sumunod sa direktiba ng Commission on Elections (COMELEC) na nagbabawal sa pamamahagi ng pondo mula Mayo 2 hanggang Mayo 12, 2025.

