Nakiisa ang Department of Public Works and Highways (DPWH) – Nueva Ecija 1st District Engineering Office sa Oplan Balik Eskwela sa paaralan ng Binbin Integrated School at Burgos Elementary School nito lamang ika-17 ng Agosto 2022.
Ayon kay District Engineer Armando Z. Manabat, Officer-In-Charge – Nueva Ecija 1st District Engineering Office, na ang pakikilahok sa ganitong aktibidad ay bahagi ng kanilang pangako na magbigay ng mga serbisyong tumutugon sa mga pangangailangan ng mamamayang Pilipino lalo na sa pagsisimula ng pasukan.
Samantala, pinamunuan naman ni Engineer Homer J. Garcia, District Maintenance kasama ang kanyang pangkat ang paglilinis ng paligid ng paaralan, pagpipintura at pagtabas ng mga matataas na damo.
Dagdag pa ni Garcia na ang tanggapan ng distrito ay nagpasimula ng outreach program upang matulungan ang mga mag-aaral sa apat na elementarya na matatagpuan sa mga liblib na lugar ng iba’t ibang munisipalidad ng lalawigan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga school supplies, facemask at alcohol.