Matagumpay na nakapagtapos ng Grain Production NCII Assessment ang 31 na magsasaka ng Alcala, Cagayan noong Lunes, ika-20 ng Pebrero 2023.
Ang hands-on na pag-aani ng palay ay bilang bahagi ng kanilang Grain Production Assessment na isinagawa sa Cagayan State University (CSU) Piat Campus.
Ang mga nagtapos ay nagmula sa barangay ng Piggatan, Maraburab at Pinocpoc sa bayan ng Alcala, Cagayan.
Ayon kay Dr. Pearlita P. Mabasa, Provincial Agriculturist ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan, unang sumailalim sa 16 na linggong hands-on training ang mga magsasaka na isinagawa sa Cagayan Farm School and Agri-tourism Center, simula pa noong nakaraang taon.
Paliwanag pa ni Mabasa na bawat araw ng Huwebes sa kada isang linggo ang pag-aaral at pagsasanay ng mga magsasaka sa Farm School hanggang sa makumpleto nila ang produksyon ng palay. Sila rin umano ay scholar ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA-Cagayan.
Dagdag pa nito na ang mga nakapasok sa pag-aaral ay base rin sa isinagawang profiling ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA).
Natuto ang mga magsasakang nakapagtapos sa mga makabagong teknolohiya sa pagtatanim ng palay, tamang pag-aalaga ng tanim at ang paggamit ng organic fertilizer.
Source: Cagayan Provincial Information Office