Bilang bahagi ng pagdiriwang sa buwan ng mga kababaihan, ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan (PGC) sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ay magbabahagi ng Tulong Pangkabuhayan sa mga kababaihan sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Cagayan.
Partikular na mapagkakalooban ay ang mga miyembro ng iba’t ibang grupo ng kababaihan tulad ng Kalipunan ng Liping Pilipino (KALIPI) Women.
Ayon kay Rose Mandac, Social Welfare Officer IV ng PSWDO, una umanong mabibigyan ang grupo ng mga kababaihan sa iba’t ibang munisipalidad na nakapagsumite ng listahan ng mga potential beneficiary at nakapagkumpleto ng kanilang dokumento para sa Tulong Pangkabuhayan.
Ang programa ay isasagawa sa Marso 11 at unang magtutungo sa bayan ng Camalaniugan ang grupo ng PSWDO upang magbahagi ng cash para sa Tulong Pangkabuhayan at sa mga susunod na araw ay ibang bayan naman ng lalawigan.
Ayon pa kay Mandac, halagang Php10,000, Php15,000, at Php20,000 ang ipapamahagi ng PSWDO depende sa natukoy na pangkabuhayan ng bawat benepisyaryo.
Ang mga benepisyaryo ay sasailalim muna sa oryentasyon bago ipamahagi ang nasabing cash upang bigyan nila ng kahalagahan ang tulong mula sa PGC, habang ang iba naman sa sasailalim sa perfume making na siyang patok ngayon na gawing negosyo at magiging dagdag puhunan nila ang tulong pinansyal.
Samantala, bukod sa pamamahagi ng tulong pangkabuhayan ay nauna na ring nagsabit ng mga tarpaulin sa mga istratehikong lugar ang mga empleyado ng PGC maging ang mga kinatawan ng MSWDO ng bawat bayan bilang Kick-off ng selebrasyon.
“Ang pagsasabit ng mga tarpaulin ay may layuning paalalahanan ang bawat isa na anumang kasarian ay pantay lamang ang estado sa lipunan tulad ng pahayag sa tema ng selebrasyon na, “We for Gender Equality & Inclusive Society”, ani Mandac.
Source: Cagayan Provincial Information Office