Nahuli sa isinagawang operasyon ng enforcement team ng Land Transportation Regulatory Board 2 ang dalawang colorum na van sa Sta. Fe, Nueva Vizcaya nito lamang Huwebes, Hunyo 9, 2022.
Isa sa mga nahuling van ay mula Metro Manila at patungo sa Tuguegarao City, Cagayan. Sakay nito ang 11 katao kung saan nagbayad sila ng Php1,200 hanggang Php1,500 na pamasahe.
Samantalang ang isa naman ay patungo sana sa Tabuk City, Kalinga na mula din sa Metro Manila, may 9 na pasahero at Php1500 naman ang siningil sa kanila bilang pamasahe.
Ang mga nahuling van ay nasa kustodiya ng LTFRB Region 2 para sa karampatang disposisyon samantalang ang mga pasahero ng mga ito ay ligtas na naipasakay sa mga legal na pampasadang sasakyan.
Nagpaalala naman ang LTFRB na hindi nila kukunsintihin ang mga colorum na sasakyan at tiniyak na mahaharap sa kaukulang parusa ang sinumang mahuhuli.
Source: LTFRB Region 2