Nilunsad ng Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 02 ang kanilang mandato sa pagpapalakas ng Aquaculture ng mga mangingisda sa Rehiyon sa pamamagitan ng pagsasagawa ng pagsasanay sa Package of Technologies (POT) upang tiyakin na ang mga isda ay makarating pa rin sa mga mamimili at sabay na taasan ang produksyon ng aquaculture.
Pinangunahan ni DA Secretary Francisco “Kiko” P. Tiu Laurel Jr, ang pagpapalakas ng sektor ng pangingisda sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga hakbang upang mapalawak ang produksyon ng isda sa mga lugar na maaaring pagtayuan ng mga aquaculture ventures.
Nagsagawa naman ito ng pagsasanay sa mga kalahok na nagmula sa mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, Quirino at Nueva Vizcaya na nagbigay ng sapat na kaalaman at kasanayan sa mga konsepto ng aquaculture tulad ng pangangalaga sa kalusugan ng isda, polyculture at iba’t ibang aspeto ng pagpapalago ng mga isda.
Tinuruan din sila ng wastong pagpapatakbo ng kita at financial management. Bukod pa rito, nagbahagi ang kagawaran ng fingerlings, feeds, at iba pang kagamitan para sa dalawang siklo ng operasyon para sa mga mangingisda.
Sa pamamagitan ng proyektong techno demo, layunin nito na ipakita ang iba’t ibang teknolohiya sa aquaculture at magbigay ng dagdag na mapagkukunan ng kita, pagkakaroon ng maraming oportunidad at mapalakas ang seguridad sa supply na pagkain ng bansa para sa pagsulong ng mas pinalakas na sektor ng pangingisda sa rehiyon.
Source: Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 2