Nagsagawa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ng isang Community-based Kulinarya Tourism Training na sinimulan nitong Lunes, Nobyembre 14, 2022 sa Provincial Farm School and Agri-tourism Center sa Anquiray, Amulung, Cagayan.
Nilahukan ang pagsasanay ng 24 na miyembro ng Agkaykaysa mula sa Barangay Anquiray, Barangay Dugayong, Barangay Centro ng bayan ng Amulung, LGU Amulung, at ang ilang mga staff ng Office of the Provincial Agriculturist.
Isinagawa ang nasabing pagsasanay upang hasain ang kakayahan ng mga kalahok sa paghahanda ng pagkain bilang parte ng development tourism package sa mga tourist destination sa nabanggit na bayan.
Samantala, dumalo naman bilang resource speaker sa nasabing programa si Chef Jose Ramlo Villaluna, Executive Director ng Archipelago Tourism Consultancy at member ng Philippine Chefs Association.
Sa mga susunod na araw ay magkakaroon ng paligsahan ng food presentation, plating, at serving. Ayon kay Salud Vitug, Supervising Tourism Operations Officer, hindi kumpleto ang tourism circuit offering kung hindi matitikman ng mga turista ang mga tampok at ipinagmamalaking pagkain sa isang lugar.
Kaya naman aniya ay malaking tulong ang dagdag kaalamang ito hindi lang sa turismo kundi sa mga mamamayan ng nabanggit na bayan.
Source: Cagayan Provincial Information Office