Nakatanggap ang isang centenarian ng Php100,000 halaga at liham ng pagbati mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) nito lamang Hunyo 22, 2024.
Kinilala ang Centenarian na si Paola Walay Golingoy, na ipinanganak noong Pebrero 10, 1924, sa Sitio Dananao, Barangay Ipil.
Siya ay tubong Dananao, Tinglayan na lumipat lamang sa Tabuk matapos ang lindol noong 1990.
Bukod sa Php100,000 insentibo mula sa DSWD, tumanggap din si Golingoy ng Php50,000 mula sa pamahalaang lungsod noong Hunyo 7, 2024, at inaasahang makakatanggap din ng parehong halaga mula sa pamahalaang panlalawigan sa taong ito.
Ang pamamahagi ng Php100,000 sa mga centenarian ay batay sa Republic Act 10868 o mas kilalang Centenarian Act of 2016 na nagbibigay pagkilala at respeto sa mga senior citizens na nakaabot ng 100 taong gulang at higit pa.
Lubos naman ang pasasalamat ng pamilya ni lola Paola sa pamahalaan sa ipinagkaloob na tulong sapagkat malaki ang maitutulong nito sa mga pangangailangan ng nasabing centenarian.