Isang makabuluhang pagtitipon ang isinagawa ng Lokal na Pamahalaang Lungsod ng Alaminos sa pangunguna ni Mayor Arth Bryan C. Celeste, katuwang ang City Social Welfare and Development Office (CSWDO), para sa taunang Child Representative’s Assembly na ginanap sa CSWDO Conference Room noong Hunyo 3, 2025.
Bilang chairperson ng City Council for the Protection of Children (CCPC), tiniyak ni Mayor Celeste ang aktibong partisipasyon ng mga batang kinatawan mula sa 39 barangay, kasama ang mga miyembro mula sa sektor ng LCPC, Academe, Faith-Based, CWD at programa ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Layunin ng assembly na bigyang-linaw ang mga karapatan at responsibilidad ng kabataan sa lipunan, at upang ilatag ang mga plano, programa, at proyekto para sa taong 2026 alinsunod sa misyon at bisyon ng CCPC. Isa rin itong pagkakataon para marinig ang boses ng mga kabataan ukol sa mga isyung kinahaharap nila sa komunidad.
Ayon sa mga organizer, ang ganitong gawain ay hindi lamang nakatutok sa pagbibigay impormasyon kundi nagbibigay rin ng plataporma para sa malayang pagpapahayag ng saloobin, mungkahi, at panawagan ng kabataan.
Ang matagumpay na assembly ay patunay ng pangako ng pamahalaang lungsod sa pagtataguyod ng kapakanan ng mga bata, habang binibigyang-diin ang kanilang mahalagang papel bilang kabahagi sa paghubog ng mas maliwanag na kinabukasan.
Source: LGU-Alaminos City, Pangasinan