Nakatutok ngayon ang Cagayan Provincial Veterinary Office (PVET) sa posibleng pagkalat ng sakit na avian influenza o bird flu sa mga alagang pato at itik sa Cagayan.
Ayon kay Dr. Myka Ponce, Veterinarian II ng PVET, nagsagawa ng blood at swab samples sa mga pato at itik sa iba’t ibang barangay ng Sta Teresita, Gonzaga, Sta. Ana, Buguey, Aparri, Camalaniugan, Enrile, at Peñablanca noong ika-7 ng Oktubre 2023 hanggang sa kasalukuyan upang matiyak na ligtas ang mga naturang hayop sa lalawigan sa sakit na bird flu.
Ang surveillance aniya ay dalawang beses sa isang taon na isinasagawa ng PVET lalo na sa mga coastal areas at may mga lawa na kadalasang pinupuntahan ng mga migratory bird na posibleng carrier ng sakit na bird flu na maaaring dumapo sa mga pato at itik.
Base sa datos ng PVET, noong January 2023 ay nagkaroon ng kaso ng bird flu sa Solana, Cagayan ngunit agad naman umano itong nakontrol. Sa ngayon ay hinihintay naman ang resulta ng mga nakolektang blood at swab samples.
Kaugnay rito, ipagpapatuloy pa ng PVET ang surveillance sa bayan ng Claveria, Sanchez Mira, at Ballesteros, Cagayan.