Nagsagawa ang Provincial Veterinary Office (PVET) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ng libreng kapon at ligate sa mga alagang aso at pusa sa Peñablanca, Cagayan bilang pakikiisa sa selebrasyon ng World Rabies Day na may temang “All for 1 One Health for all.”
Ayon kay Dr. Myka Ponce, Veterinarian II ng PVET, aabot sa 45 na alagang aso’t pusa ang sumailalim sa kapon at ligate mula sa 80 na mga pet owner ng Barangay Patagueleg, Centro, Camasi, Parabba, Alimanao, at Dodan.
Nagbigay rin ang PVET ng libreng anti-rabies vaccine, purga, konsultasyon, at medisina sa iba pang mga alagang hayop na may sakit.
Layunin ng naturang aktibidad na maibaba ang bilang ng mga nakakagat ng aso at pusa sa nasabing bayan. Hakbang din ito ani Dr. Ponce upang maiwasan ang pagkalat ng rabies sa mga hayop sa nasabing bayan.
Samantala, naging katuwang ng PVET ang Local Government Unit (LGU) Peñablanca, Tuguegarao City Veterinary Office, at Philippine Veterinary Medical Association (PVMA) Cagayan Valley Chapter.
Matatandaang unang nagsagawa ang PVET ng Information Education and Communication (IEC) campaign sa iba’t ibang paaralan at anti-rabies vaccination ng mga aso at pusa sa mga bayan sa lalawigan.
Source: Cagayan PIO