13.5 C
Baguio City
Sunday, January 19, 2025
spot_img

Bundok Binaratan: Ang Tahimik na Bundok Ng Kalinga

Isa sa mga bundok sa Kalinga ay ang Bundok Binaratan na tinaguriang tahimik na bundok.

Ang Bundok Binaratan ay matatagpuan sa silangan ng nayon ng Dacalan sa munisipalidad ng Tanudan, Kalinga sa pagitan ng Mountain Province at Kalinga.

Ang tuktok ng Bundok Binaratan ay may tatlong kilometro ang haba at humigit-kumulang 30 metro ang lapad.

Ang tuktok ng bundok na ito ay nababalot ng katahimikan na kahit mga ibon o huni ng mga cicadas ay hindi kailanman maririnig ng sinumang makakarating dito.

Walang siyensa ang makakapagpatunay ng dahilan ng katahimikan sa tuktok ng bundok ngunit may isang alamat na kwentong-bayan ukol dito:

Noong unang panahon, noong masagana pa ang daigdig, ang dakilang Diyos na si Kabunian (tawag sa Diyos ng mga Igorot) ay bumisita sa lupa upang turuan ang kanyang mga nilikha kung paano manghuli ng mga usa at mababangis na baboy na kanya ring nilikha upang magkaroon ng sapat na pamumuhay ang mga tao. Tinuruan niya ang mga ito kung paano magsanay at gumamit ng mga aso para sa pangangaso.

Isang araw, ang ilan sa mga mangangaso ng Kabunian ay nagtungo sa kabundukan at nang marating nila ang tuktok ng Bundok Binaratan, hindi na nila narinig ang tahol ng kanilang mga aso dahil sa huni at awit ng mga ibon sa kanilang paligid.

Sumigaw sila para takutin ang mga ibon ngunit habang sila ay sumisigaw, ang mga ibon ay nagkakantahan. Hindi rin nila makita at mahanap ang kanilang mga aso, pati ang kanilang huli ay nawawala. Kaya naman naisipan ng isa sa mga mangangaso ang magdasal kay Kabunian upang patahimikin ang mga ibon at iba pang maiingay na nilalang upang malaman nila kung saan naroroon ang kanilang mga aso.

Narinig naman ito ni Kabunian at biglang sumigaw ito ng isang nakakatakot at dumadagundong na tinig na hindi kailanman narinig ng mga nilalang sa bundok. Sabay-sabay na tumahimik ang buong paligid sa kanilang takot kay Kabunian. Doon ay narinig na ang tahol ng mga aso dahil sa ganap na katahimikan.

Pagkatapos ay nagsalita si Kabunian sa kanyang mga mangangaso “Nariyan sa ibaba ng bundok ang iyong mga aso na tumatahol, pumunta ngayon at kunin ang iyong mga huli. Mula ngayon at magpakailanman, ang bundok na ito ay tatahimik upang maalala ng mga tao na ako ang guro at panginoon ng lahat ng nilikha.”

Mula noon, nanatiling tahimik ang tatlong kilometrong tuktok ng Bundok Binaratan sa kabila ng maraming mga nilalang at wildlife na namumuhay ng sagana sa mayayabong na mga halaman at kagubatan nito.

Related Articles

Be updated in Social Media

1,700FansLike
21FollowersFollow
0FollowersFollow
612FollowersFollow
55SubscribersSubscribe
- Advertisement -spot_img

Latest Articles