Personal na iginawad ni Mayor Bona Fe de Vera-Parayno, sa anim na benepisyaryo ang bagong assistive devices mula sa Lokal na Pamahalaan ng Mangaldan, Pangasinan, sa pamamagitan ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) at Persons with Disability Affairs Office (PDAO) nito lamang Huwebes, Hunyo 6, 2024.
Ang turnover ng mga bagong wheelchair ay pinangasiwaan ni Mr. Benigno A. De Guzman, Focal Person ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO) at sinaksihan din ni Ms. Helen A. Aquino, Chief Administrative Officer / HRMO.
Isa sa mga nabiyayaan ng bagong assistive device si Elisea Quinto mula Barangay Bantayan na isa ring retiradong kawani ng LGU Mangaldan.
Ayon sa kanya, malaking tulong ang naibigay na wheelchair dahil hirap na rin itong makatayo at makalakad lalo ngayong siya ay 82 taong gulang na.
Tinanggap naman ng ilang kinatawan ang ipinagkaloob na wheelchair para sa kanilang may kapansanang kaanak na hindi kayang magtungo nang personal sa munisipyo.
Panata ng alkalde na patuloy na isasaalang-alang ang mga may kapansanan at nakatatanda sa mga isusulong na programa, tulad na lamang ng pamamahagi ng libreng wheelchair mula sa lokal na pamahalaan.
Source: PIO Mangaldan