Opisyal nang sinimulan at libo-libong mga atleta mula sa iba’t ibang bahagi ng probinsya ng Benguet ang nagtipon sa pagsisimula ng Benguet Provincial Athletic Meet 2024 na may temang, “Empowering Future Champion”, sa Benguet Sports Complex,Wangal, La Trinidad, Benguet nito lamang ika-4 ng Disyembre 2024.
Pinuri ni Gobernador Dr. Melchor Daguines Diclas, ang lahat ng mga atleta sa kanilang pakikilahok sa palaro at hinikayat na mag-enjoy at ibigay ang kanilang pinakamahusay na kakayahan.
Sa kabilang banda, si Jean Claud Saclag, World Champion sa Wushu, ang nagsilbing panauhing tagapagsalita na nagbigay-inspirasyon sa mga atleta na magpursigi dahil sa larangan ng sports nahuhubog at nagkakaroon ng karanasan. Aniya, “Mag-training nang mabuti, dahil ang mga kampeon ay hindi ipinapanganak, sila ay nililikha.”.
Opisyal na idineklara ang pagbubukas ng nasabing palaro ni Regional Director at Concurrent Schools Division Superintendent Estela P. Leon-Cariño.
Ang aktibidad ay hindi lamang tungkol sa palaro kundi ito rin ay isang plataporma para sa personal at panlipunang pag-unlad na nagbibigay-daan para sa mga kalahok na maging mas mahusay na mamamayan at lider ng hinaharap.