Nakapagpundar ng maliit na negosyo ang isa sa 44 na nagsipagtapos na benepisyaro ng programang 4Ps sa Sarrat, Ilocos Norte nito lamang Martes, Mayo 10, 2022.
Ang 4Ps o ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program ay isang programa ng gobyerno para sa pagpapabuti ng kalagayan at kabuhayan ng mga nangangailangan na pamilyang Pilipino.
Layunin nito na tulungan sa pinansyal na aspeto ang pinakamahihirap na pamilyang pilipino upang pagbutihin ang kalusugan, nutrisyon, at edukasyon ng mga batang may edad 0 hanggang 18 taong gulang.
Pinatotohanan ni Ginang Glenda Opria, isa sa mga 44 na nagtapos bilang benepisyaryo ng DSWD Field Office 1 sa nasabing lugar na ang kahirapan sa buhay ay hindi hadlang upang makamit ang kanilang mga pangarap.
Ayon kay Ginang Opria, dahil sa Sustainable Livelihood Program na kanyang naging kapital ay nakapagpundar sila ng maliit na negosyo kaya ang hirap na pinagdadaanan ng kanyang pamilya ay kanilang nakakayanan at napapaunlad.
Dahil dito, nagpapasalamat siya sa programang 4Ps ng pamahalaan sa dami ng naitulong nito sa mga katulad nilang mahihirap. Pinayuhan din nito ang mga kapwa niya nagsipagtapos sa nasabing programa na dapat magkaroon ng positibong pananaw para mapagtagumpayan lahat ng pagsubok sa buhay.
Dagdag pa niya na dapat baunin nila ang kanilang mga natutunan sa Family Development Sessions at magsilbing inspirasyon sa kapwa benepisyaryo.
Ipinahayag din ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng Municipal Social Welfare and Development Office ang pagbibigay ng After-Care Monitoring Program sa mga nagtapos bilang benepisyaryo ng 4Ps upang masiguro ang kanilang tuloy-tuloy na pag-unlad. Ang pagtatapos na ito ay alinsunod sa mga alituntunin na nakasaad sa Republic Act No. 11310 o 4Ps Act.